15 pang MNLF patay sa Zambo

MANILA, Philippines - Labing-lima pang mi­yembro ng Moro National Liberation Front (MNLF) fighters ang napaslang sa pakikipagbakbakan sa tropa ng pamahalaan nitong Huwebes ng gabi hanggang nitong Biyernes ng umaga sa Zamboanga City na nasa ika-20 araw na ngayon.

“We killed 15 members of the MNLF Misuari faction in a single engagement, we have no casualties on the government side,” pahayag sa phone interview ni AFP Public Affairs  Office Chief Lt. Col. Ramon Zagala na kasalukuyang nasa Zamboanga City.

Bandang alas-9 ng gabi ng magbakbakan muli ang security forces ng gobyerno at ang nalalabi pang puwersa ng MNLF sa ‘constriction area’ sa Bgy. Sta. Barbara at Sta. Catalina na tumagal hanggang nitong Biyernes ng umaga.

Dahil dito ay umaabot na sa 141 ang napaslang na MNLF, 128 ang nasakote at 146 ang sumuko.

Ayon kay Zagala, maituturing na isa nag talunang puwersa ang MNLF sa Zamboanga City dahil wala ng kakayahang makipaglaban at naubusan na ng bala.

Samantala, tiniyak ng Department of Justice na hindi nila palulusutin si MNLF founding Chairman Nur Misuari.

Ayon kay  Justice Secretary Leila de Lima, kasong rebelyon at paglabag sa Republic Act 9851 o International Humanitarian Law ang ihahain laban kay Misuari dahil sa pagsiklab ng kaguluhan sa lungsod. 

Bilang pinuno ng MNLF, mayroon aniyang command responsibility si Misuari sa pagsiklab ng krisis sa Zamboanga City. 

Pinaniniwalaan uma­nong paksyon ni Misuari sa MNLF ang sangkot sa kaguluhan. 

Hindi naman sinagot ni de Lima kung may ikinakasa nang manhunt kay Misuari. 

Bukod kay Misuari, kasama rin sa mahaharap sa kaso ang iba pang commander ng MNLF.

Mayroon na rin uma­nong MNLF members na nakasuhan o naisalang sa inquest proceedings kabilang ang mga sumuko o naaresto ng mga awtoridad. 

Nauna nang nagtalaga ang DOJ ng mga prosecutor na tutulong sa case build-up o pagbuo ng kaso laban sa mga may kagagawan ng kaguluhan sa lungsod ng Zamboanga.

 

Show comments