Zamboangeños walang iwanan - PNoy

MANILA, Philippines - Hindi iiwan ni Pangulong Noynoy Aquino ang mga Zamboangeños.

Ito ang kinumpirma kahapon ni Deputy Pre­sidential Spokesperson Abigail Valte kung saan sinabi nito na mananatili muna sa Zamboanga City ang Pangulo habang hindi pa natatapos ang tensyon at napapalaya ang lahat ng mga bihag ng Moro National Liberation Front (MNLF).

Ayon kay Valte, nais na matiyak sa mga ma­mamayan ang pagkalinga ng national government.

Una rito, muling hinarap ng Pangulo ang mga evacuees sa nangyaya­ring kaguluhan sa Zamboanga City.

Pasado alas-10 kahapon ng umaga nang dumating ang Pangulo sa Zamboanga Sports Complex kung saan dinala ang mga inilikas na mamamayang naiipit sa kaguluhan.

Sa kanyang talum­pati, tiniyak ni Aquino na hindi pababayaan ng gobyerno ang mga taga-Zambo­anga at sapat ang kanilang supply ng relief goods at iba pang pa­ngangailangan.

Puspusan ang ginagawa ng gobyerno para maresolba na ng payapa ang tensyon at wala ng maibuwis na buhay.

Si Pangulong Aquino ay kamakalawa pa sa Zamboanga para personal na i-assess ang kalaga­yan ng lugar matapos ang pagpasok ng mga mi­yembro ng MNLF - Misuari group.

Ikinagalak naman ito ng mga sundalo kung saan sinabi ni AFP Public Information Officer Ramon Zagala na nagpapataas ito sa kanilang morale at ramdam daw nila ang pagkalinga ng Pangulo.

 

Show comments