Retirement age, gagawing 55
MANILA, Philippines - Isinusulong ng isang mambabatas na ibaba ang mandatory retirement age para sa mga empleyado ng gobyerno na mula sa dating 65 ay planong gawing 55-taong gulang.
Sa inihaing House Bill 242 ni Compostela Valley Rep. Maria Carmen Zamora, iginiit nito na sa pamamagitan ng nasabing panukala ay maitatama ang mabagal na manpower turn over sa mga tanggapan ng gobyerno.
Ipinaliwanag pa ng mambabatas na batay sa mga pag-aaral, ang isang taong nasa edad 50 na ay mas bumagal na ang pagkilos at mahina na sa pag-adapt sa mga makabagong teknolohiya.
Ang pagbaba ng retirement age ang nakikitang solusyon ni Zamora para mapataas ang productivity at mapababa naman ang unemployment rate sa bansa.
Giit pa ng mambabatas, sa pamamagitan ng maagang pagreretiro ay mas ma-e-enjoy rin ng mga ito ang mga benepisyong tatamasahin sa matagal na pagsisilbi sa gobyerno.
- Latest