Suporta ng mga negosyante kinilala ni Belmonte

MANILA, Philippines - Kinilala at pinasalamatan ni House Speaker Feliciano Belmonte Jr. ang patuloy at lumalaking suporta ng sektor ng negosyo na nagbibigay-daan para makapasa noon sa 15th Congress ang mga mapagbagong batas.

“Sa inyong suporta, kami rito sa Kongreso ay muling nakamit ang tiwala at kumpiyansa ng mamamayan,” sabi ni Belmonte na umaasang mapapantayan kundi man mahigitan ng 16th Congress ang tagumpay ng naunang Kongreso.

Sa kanyang pagsasalita kamakailan sa Wallace Business Forum, binanggit din ng Speaker ang pagbalasa sa proseso ng appropriation na lumilikha ng transparent at responsive na pambansang badyet, ang pagpa­patibay sa unang  Reproductive Health Law at sa Sin Tax law na 15 taon nang inalikabok sa paghihintay sa proseso ng lehislasyon.

Sinabi naman ni Belmonte na hindi dapat maging kampante sa patuloy na pagsulong ng ekonomiya habang nakikipagpambuno sa recession ang mga malalaking bansa o economic giants.

Marami pa rin anyang dapat gawin para mabura ang imahe ng Pilipinas bilang “sick man of asia” bagaman ang gross domestic product (GDP) ng bansa ay lumaki nang 7.8 porsiyento sa unang tatlong buwan ng taong 2013.

Show comments