MANILA, Philippines - Inutos kahapon ng Court of Appeals ang pagpigil sa lahat ng bank accounts ng negosyanteng si Janet Lim-Napoles, ang umano’y utak sa pork barrel scam.
Inilabas ng CA ang 6-month freeze order sa lahat ng bank accounts at iba pang ari-arian ni Napoles, miyembro ng kanyang pamilya, mga kaanak at staff ng JLN group of companies, kabilang ang accounts ng non-government organizations na konektado umano kay Napoles.
Ito’y kasunod na rin ng isinampang freeze order ng Office of the Solicitor General alinsunod sa Anti-Money Laundering Council.
Samantala, 19 tracker teams ang binuo ng PNP-Criminal Investigation and Detection Group na tumutugis ngayon sa itinuturing na high-profile fugitive na si Napoles at kapatid nitong si Reynald Lim.
Ayon kay PNP-CIDG Chief P/Director Francisco Uyami Jr., ikinasa ang nationwide manhunt matapos nilang matanggap ang kopya ng arrest warrant mula sa korte laban sa magkapatid.
Nilinaw naman ni UyaÂmi na walang kaugnaÂyan ang kanilang pagtugis sa magkapatid sa isyu ng P10 bilyong pork barrel scam na kinasasangkutan ni Napoles. Ang warrant ay kaugnay sa hiwalay na asuntong illegal detention na isinampa laban sa kanila ni Benhur Luy, whistleblower ng nasabing scam.
Nanawagan naman si PNP Spokesman Chief Supt. Reuben Theodore Sindac sa publiko na ipaubaya na lamang sa mga law enforcement units ang pagtugis sa mga puganteng sina Napoles at Lim at huwag ilagay ang batas sa kanilang mga kamay.
Binigyang diin ni Sindac na bagaman nasa batas ang citizen’s arrest, mas mainam na ipaubaya na lamang sa mga law enforcers ang paghuli sa magkapatid lalo na at batay na rin sa mga ulat ay maimpluwensyang tao at maraming koneksyon ang mga ito.
Samantala umaabot sa 30 sasakyan na umano’y pagmamay-ari ni Napoles ang inilabas ng Department of Justice.
Ayon kay Justice Secretary Leila de Lima, ang mga nasabing sasakyan ay nakatala sa kompanyang JLN Corporation ni Napoles.
Kabilang sa mga ito ang BMW; Porsche Cayenne; Chevrolet Tahoe; Crosswind Pearl; Estrada pick-up; Ford E150; Ford E150; GMC Savana; Honda Civic; Honda CRV; Hummer; Isuzu; L-300; Land RoÂver Defender; Mercedes Benz; Lincoln Navigator; Pajero; Range Rover Autobiography; Starex; Suzuki; Suzuki; Suzuki; Toyota Alphard; Toyota Altis; Toyota Hi Lux; dalawang Toyota Innova; Toyota Land Cruiser; Toyota Previa at Toyota Vios.
Sinabi ni de Lima na ang mga nasabing sasakyan ang maaaÂring gamitin ni Napoles sa kanyang pagpunta sa kanyang mga kaibigan o pamilya. (Joy Cantos/Doris Borja)