Cayetano handang makipagbati kay Enrile

MANILA, Philippines - Nakahanda umano si Senator Alan Peter Cayetano na makipag-ayos kay dating Senate President Juan Ponce Enrile sa pagpasok ng 16th Congress na magsisimula sa Lunes.

Ayon kay Cayetano hindi niya iniaalis ang posibilidad na makipagbati kay Enrile matapos silang magkapalitan ng mga maaanghang na sa­lita tungkol sa paggamit ng pondo ng Senado.

Isa si Cayetano sa muling nahalal na senador sa nakaraang midterm election at malakas ang ugong na ito na ang magiging bagong Majority Floor Leader ng Senado na da­ting hinawakan ni Senator Tito Sotto.

Si Enrile naman ang inaasahang magiging bagong Minority Leader na dating posisyon ni Ca­yetano.

Sinabi pa ni Cayetano na handa siya na siyang unang gumawa ng hakbang para makipag-ayos kay Enrile.

Matatandaan na naging malaking isyu ang naging distribusyon ng karagdagang additional maintenance and other operating expenses (MOOEs) ng mga senador noong nakaraang taon.

Idinagdag ni Caye­tano na isang beses ay humingi na rin siya ng tawad kay Enrile kaugnay sa naging posisyon niya sa Sin Tax measures at Reproductive Health Bill.

Nakatitiyak si Cayetano na hanggang ngayon ay dinadamdam pa rin ni Enrile ang pagkatalo ng anak nitong si dating Cagayan Rep. Jack Enrile na nabigong makasama sa mga nanalong senador.

 

Show comments