Army Col. guilty sa Al-Barka ambush
MANILA, Philippines - Guilty ang ibinabang hatol kahapon ng AFP-General Court Martial sa isang commander ng Special Forces ng Philippine Army kaugnay ng ambush ng mga bandidong Abu Sayyaf Group na ikinasawi ng 19 sundalo noong Oktubre 2011 sa Al Barka, Basilan.
Ayon kay AFP-GCM President Brig. Gen. Cirilo Torralba III, si Lt. Col. Leonard Peña, dating Commander ng 4th SF Battalion ay guilty sa kasong paglabag sa Article of War (AW) 97 conduct prejudicial to good order and military discipline.
Si Peña ang naglunsad ng pumalpak na assault operation sa Al Barka, Basilan noong Oktubre 18, 2011 na tinambangan ng mga bandidong Abu Sayyaf na tinulungan pa ng umano’y grupo ng Moro Islamic Liberation Front (MILF). Target ng operasyon na maaresto ang dalawang commander ng MILF na sina Dan Laksaw Asnawi at Long Malat na kaalyado ng Sayyaf.
Bilang parusa, si Peña ay pinatawan ng 2 taong pagkakasuspinde o pagkakabimbin sa ranggo at command, reprimand at 200 na mababa sa hanay ng lineal listing ng AFP o promosyon ng mga opisyal.
- Latest