Pinay na-cremate na sa China

MANILA, Philippines - Na-cremate na ang mga labi ng Pinay na bi­nitay noong Miyerkules ng umaga sa China.

Sinabi ni Foreign Affairs Spokesman Raul Her­­­nandez, nasa China pa ang mga labi ng 35-anyos na binitay taliwas sa lumabas na report na naisama na ng kanyang ina at kapatid sa kanilang pag-uwi sa bansa kamakalawa ng gabi mula Shanghai.

Ayon kay Hernandez, pinoproseso pa ang re­ patriation ng mga abo at hindi pa masabi kung hanggang kailan ito ma­iuuwi sa bansa.

Nagtungo sa China ang ina at kapatid ng Pinay noong Linggo upang personal na madalaw at makausap ang huli bago siya bitayin. Na­bitay noong Miyerkules ng umaga ang kanilang kaanak at umuwi din sila sa bansa dakong alas-8 ng gabi ng nasabi ring araw lulan ng Philippine Airlines flight PR-337 mula Shanghai.

Ang nasabing Pinay ay in-execute dahil sa pagpupuslit ng may 6.198 kilong heroin nang masabat sa Hangzhou Inter­national Airport noong Enero 25, 2011 kasama ang kanyang 27-anyos na pinsang lalaki na may dala ring 6.171 kilong he­roin na pinatawan ng death penalty pero may 2-years reprieve.

 

Show comments