Paliwanag ng NIA chief ‘di umubra kay PNoy
MANILA, Philippines - Hindi bumenta kay Pangulong Aquino ang palusot na paliwanag ni NIA chief Antonio Nangel matapos sabunin ito ng chief executive kamakalawa sa mismong ika-50 taong anibersaryo ng ahensiya.
Sinabi ni Presidential Spokesman Edwin Lacierda, iniutos na ng Pangulo na imbestigahan ang tunay na dahilan kung bakit hindi naabot ng National Irrigation Authority ang target nitong makumpleto ang kanilang mga irrigation projects.
Wika ni Lacierda, hindi maintindihan ng Palasyo ang paliwanag ni Nangel na ang dahilan daw kaya hindi nila naabot ang target na projects sa Mindanao ay dahil sa typhoon Pablo.
Ipinagtanggol naman ni Sen. Francis “Chiz†Escudero si PNoy sa ginawa nitong panenermon kay Nangel.
Ayon kay Escudero, mas gugustuhin pa niya ang isang Pangulo na nanenermon kaysa nagbibigay ng papuri sa kulang na serbisyo.
Nang tanungin kung tama ba na sa harap mismo ng publiko gawin ang panenermon, sinabi ni Escudero na mas mabuti na yong nakikita ng publiko kaysa sa mga meeting na itinatago sa media.
Hindi itinago ng Pangulo ang pagka-dismaya dahil halos wala umano itong nakitang pagbabago sa NIA sa nakalipas na tatlong taon.
- Latest