TESDA graduate madaling magkatrabaho

MANILA, Philippines - Ipinagmalaki ni Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) Director General Joel Villanueva na 6 sa 10 graduate ng “technical vocational education and training (TVET)” ay nakakakuha ng trabaho anim na buwan makaraan ang kanilang pagtatapos.

Nabatid na 62 percent ang “hiring rate” na nakalap ng TESDA sa ginawa nilang ebalwasyon sa kanilang mga graduates na nakakuha ng “national certificates”.

Sinabi ni Villanueva, ang ibinibigay na kurso ng TESDA ay idinisenyo base sa “skills” na kailangan ng mga industriya sa bansa upang makatiyak na agad na magkakaroon ang mga ito ng trabaho sa kanilang pagtatapos.

Sa ilalim rin ng Training for Work Scholarship Program (TWSP), nakikipag-ugnayan ang TESDA sa mga industriya para sa pagsasanay sa mga gra­duate na kanilang kailangan, kabilang sa Information Communication Technology, Business Process Outsourcing, Tourism, Health and Wellness, Agriculture, Agri-Business at General Infrastructure and Construction”.

Sa pagtatapos ng mga mag-aaral, inilalapit ng TESDA sa mga kumpanya para sa posibleng pagkuha sa mga estudyante para magkaroon ng trabaho sa ilalim ng “Job Bridging Events”. 

Sa ilalim naman ng TESDA Specialist Technopreneurship Program, tinutulungan ng ahensya ang mga graduate na nagiging “self-employed” o nagtatayo ng sariling negosyo.

 

Show comments