Bagyong ‘Emong’ nagbabanta sa Catanduanes

MANILA, Philippines - Patuloy na nagbabanta ang bagyong ‘Emong’ sa area ng Catanduanes at iba pang bahagi ng bansa.

Ganap na alas-10:00 ng umaga kahapon, ang bagyong Emong ay namataan ng PAGASA  sa la­yong  280 kilometro silangan ng Virac, Catanduanes taglay ang lakas ng hangin na 55  kilometro bawat oras malapit sa gitna.

Si Emong ay kumikilos pakanluran hilagang kanluran sa bilis na 11 kilometro bawat oras.

Ngayong Martes, si Emong ay inaasahang nasa layong  230 kilometro hilagang silangan ng Virac, Catanduanes at sa Miyerkules ay inaasahang nasa layong 330 kilometro ng silangan ng  Aparri, Cagayan at nasa layong 400 kilometro hilagang silangan ng  Basco, Batanes sa Huwebes.

Ayon sa PAGASA, bagamat ang bagyong Emong ay hindi direktang nakakaapekto sa bansa, paiigtingin naman nito ang habagat na siyang magdadala ng mga pag-uulan sa Southern Luzon, Visayas at Mindanao.

Patuloy na pinapayuhan ng PAGASA ang mga residenteng nakatira sa nabanggit na mga lugar na mag-ingat at ugaliing mapagbantay at mapagmasid sa paligid para makaiwas sa anumang epekto dala ng naturang bagyo.

Show comments