Kung hindi magsusumite ng SECE: 6 nanalong senador hindi makakaupo - COMELEC

MANILA, Philippines - Posibleng hindi ma­kaupo ang anim  na nanalong senador kung patuloy ang mga ito na hindi magsusumite ng kanilang mga ginastos at natanggap na kontribusyon sa panga­ngampanya sa katatapos na halalan.

Ito ang babala ni Commission on Elections Chairman Sixto Brillantes, kaugnay ng hindi paghahain ng Statements of Election Contribution and Expenditures o SECE bago magbukas ang ika-16 na Kongreso sa June 30, 2013.

Pinaliwanag ni Brillantes, magmumulta rin nang mula P1,000 hanggang P30,000 ang lahat ng kandidato na hindi naka-abot sa taning na petsa ng paghahain ng SECE noong Huwebes, June 13, isang buwan matapos ang eleksiyon.

Aalamin aniya kung sino sa mga kandidato (talo o panalo) ang tuma­lima sa kautusan upang masimulan na nila ang pagpapatupad ng parusa o multa habang sa hanay ng mga nanalo, aalamin aniya kung maaari silang umupo o hindi.

Sa rekord ng Co­melec, kabilang umano sa mga hindi nakapaghain ng SECE noong June 13 sina reelected Senators Loren Legarda, Francis Escudero, Alan Peter Cayetano at Gregorio Honasan, at mga first termer na sina Senators Juan Edgardo Angara at Juan Victor “JV” Ejercito.

Samantala, ipinagmalaki ni Angara na nagawa niyang maihabol sa deadline ng Comelec ang pagpa-file ng kanyang mga nagastos sa kampanya.

Umabot umano sa P120 milyon ang kaniyang nagastos pero nakatanggap naman siya ng donasyon na nasa P113 milyon.

Nilinaw naman ni Brillantes na kung ang mga nabanggit na nanalong senador ay makapagsusumite ng SECE bago ang June 30 sila ay makapagsisimula na sa tungkulin pagsapit ng June 30.

Salig sa Section 14 ng Republic Act 7166, mas kilala bilang automated election law, inaatasan ang lahat ng kandidato at mga tresurero ng lahat ng partido pulitikal na maghain ng SECE, 30 araw matapos ang halalan.

Samantala, nakapag­hain na ng kanilang campaign expenses and contributions ang mga nanalong senador na kinabibilangan nina Bam Aquino, Nancy Binay, Mary Grace Poe, Cynthia Villar at dalawang re-elected senator na sina Koko Pimentel at Antonio Trillanes.

Sa hanay ng mga natalo, nakapagsumite na ng SECE sina Christian Seneres, Ramon Montano, Ramon Magsaysay Jr., Juan Ponce Enrile Jr., Samson Alcantara, John Carlos Delos Reyes, Baldomero Falcone, Richard Gordon, Maria Ana Consuelo Madrigal, Greco Belgica, Ernesto Maceda, Mitos Magsaysay at Ricardo Penson. (Dagdag ulat ni Malou Escudero)

Show comments