Mga opisyal ng DepEd-NEU, pinayagang makabiyahe
MANILA, Philippines - Pinayagan ni Education Secretary Armin Luistro ang mga opisyal ng National Employees Union ng Department of Education (DepEd) na makapagbiyahe paluwas ng Maynila at dumalo sa kanilang pagpupulong na gaganapin sa central office bukas (Hunyo 10) at Martes, Hunyo 11.
Laking pasalamat naman ng mga NEU officials dahil sa ginawang pagpirma ni Luistro ng travel authority ngunit aminado ang mga ito na dismayado sila dahil sa pagkaantala ng pagpirma sa naturang dokumento.
Ayon kay Atty. Domingo Alidon, pangulo ng DepEd-NEU, nitong Biyernes lamang nilagdaan ang dokumento, gayung sa Lunes na aniya ang pulong at may isang buwan na nang hilingin nila na payagan silang makabiyahe at pirmahan ang travel authority.
Dahil dito, hiniling ng unyon sa pamunuan ng DepEd na umaksyon ng mas maaga para may sapat na panahon ang mga miyembro nito na maihanda ang mga kaukulang papeles.
Nauna rito, mariing binatikos ng unyon ang hindi pagpayag ng pamunuan ng kagawaran na maglakbay ang mga opisyal nila, lalo sa Visayas at Mindanao, para makipagpulong sa mga opisyal ng DepEd at matalakay ang collective negotiation agreement at rationalization plan.
- Latest