Zero casualty sa bagyo, target ng gobyerno
MANILA, Philippines - Inihayag kahapon ni Interior and Local Government Secretary Mar Roxas na target ng gobyerno ang ‘zero casualty ‘ sa panahon ng bagyo at maging sa pagpasok ng tag-ulan sa bansa.
Sinabi ni Roxas na pinaghahandaan na ng mga kinauukulang ahensya ng gobyerno ang ‘contingency measure ‘ sa mga kalamidad kaugnay ng isasagawang “Disaster Preparedness Week mula Hunyo 10-17 sa buong kapuluan.
Si Roxas ay nakatakdang magsagawa ng command conference sa iba’t-ibang lokal na ahensya ng pamahalaan sa Camp Crame sa Lunes, Hunyo 10 sa kick off ng seremonya kaugnay ng misyong ‘zero casualty’ sa panahon ng tag-ulan lalo na kapag nananalasa ang bagyo.
Binigyang diin ng Kalihim na bagaman imposible ang ‘zero casualty’ ay mas mabuti na ang nakahanda upang mabawasan at maiwasan ang mga biktima ng trahedya ng kalamidad.
Ayon kay Roxas, naka-pokus ang disaster preparedness program ng pamahalaan sa libu-libong mga pamilyang squatter na naninirahan sa mga ‘waterways’ o mga pangunahing daluyan ng tubig kung saan karaniwan na ang mga ito ang nangunguna sa mga biktima kapag malalakas ang mga pag-ulan dulot ng masamang lagay ng panahon.
Sinabi ni Roxas na determinado ang pamahalaan na mailikas ngayong taon ang tinatayang nasa 20,000 mga squatter na naninirahan sa mga daluyan ng tubig sa National Capital Region.
Samantalang magsasagawa rin ng on the site inspection si Roxas sa susunod na linggo sa mga barangay na kinaroroonan ng anim na mga pangunahing ‘waterways at flood drills “ sa 16 pilot areas sa NCR.
- Latest