MANILA, Philippines - Patuloy na dumarami ang mga sibilyang pasaway sa gun ban matapos na umabot na sa mahigit 3,000 ang nahuli mula sa hanay ng mga ito.
Sinabi ni PNP Spokesman Chief Supt. Generoso Cerbo Jr., sa kabuuang 3,463 na naaresto sa gun ban umpisa noong Enero 13 sa buong bahagi ng bansa ay nasa 3,188 sa mga ito ang mga sibilyan.
Ang 150 araw na gun ban na ipinatupad ng Comelec kaugnay ng katatapos na midtem elections ay tatagal hanggang Hunyo 12 hanggang sa maiproklama na ang mga nagwaging kandidato at manumbalik na sa normal ang sitwasyon sa mga lugar na mainit pa rin ang iringan ng magkakalabang partido pulitikal.
Sa patuloy na gun ban operations, kabilang rin sa mga naaresto ay 145 security guards, 49 pulis, 23 AFP, 43 goverÂnment official, 7 mula sa law enforcement agencies, tatlo sa BJMP, apat na CAFGU at isang bumbero.
Nakasamsam rin ng nasa 3,368 mga armas; 1,024 patalim, 159 airgun, 217 granada, 504 eksplosibo at 29, 212 mga bala. Nakapagsampa rin ang PNP ng kabuuang 2,183 kaso laban sa mga lumabag sa gun ban.