3 ahensiya inalerto sa school supplies

MANILA, Philippines - Kaugnay ng nalalapit na pagbubukas ng  klase, inalerto at pinakikilos ni CBCP Episcopal Commission on Youth, Exe­cutive Secretary Rev. Fr. Kunegundo Garganta ang mga otoridad partikular ang Bureau of Food and Drugs, Department of Education at ang Bureau of Customs na tiyaking ligtas ang mga school supply na ibinibenta ngayon sa merkado.

Ayon kay Garganta, kada taon na lang kasi ay laging problema ng mga mamimili kung paano makabili ng mga gamit sa paaralan na walang lead content.

Aniya, trabaho ng mga otoridad na tiyaking ligtas ang mga produktong bibilhin ng mga consumer kaya dapat lamang na maging mahigpit sila sa pagbabantay sa mga pamilihan at mga produktong pumapasok sa bansa.

Samantala, pinayuhan naman ng pari ang mga kabataan na huwag maghangad ng mga gamit na hindi naman kailangan sa kanilang pag-aaral upang makatipid at makatulong sa gastusin ng kanilang mga magulang.

Bilang ganti aniya sa kabutihang ginagawa ng kanilang mga magulang, dapat suklian ito ng mga kabataan sa pamamagitan ng pag-aaral ng mabuti.

Nananawagan din si Fr.Garganta sa mga estudyante na i-recycle ang mga lumang kagamitan upang magamit muli ngayong pasukan.

 

Show comments