‘Tandem’ ikinabahala ni Enrile
MANILA, Philippines - Tututukan ni UNA senatorial candidate at dating Cagayan Rep. Jack Ponce Enrile ang problema sa mga riding-in-tandem (mga armadong magkaangkas sa motorsiklo) na pumapatay sa mga inosenteng biktima sa bansa kapag pinalad siyang mahalal sa mataas na kapulungan ng Kongreso.
Plano ni Enrile na magpanukala ng batas laban sa mga riding in tandem para sa proteksyon at kapakanan ng ordinaryong mamamayan.
Kaugnay nito, ipaparepaso niya ang batas laban sa iligal na pagbibitbit ng baril sa bansa. Pinuna niya ang isang kahinaan dito na pinapayagang magpiyansa ang mga nahuhuling nagbibitbit ng iligal na baril.
Ginawa ni Enrile ang pahayag dahil sa halos araw-araw na mga patayang gawa ng mga riding in tandem tulad ng sa pagpatay sa isang brodkaster sa Zamboanga Sibugay, isang kandidatong konsehal sa Pasay City, isang tomboy sa Rizal at isang ginang sa Maynila kamakailan. Naniniwala si Enrile na may problema sa intelligence ang mga awtoridad dahil hindi nila mahuli ang mga suspek o mapigilan ang ganitong uri ng krimen.
- Latest