SC muling kinalampag ng pamilya ni Jonas Burgos

MANILA, Philippines - Hindi tumitigil ang pamilya ng nawawalang  aktibista na si Jonas Burgos matapos na kalampagin ng ina nito na si Gng. Editha Burgos ang Korte Suprema para mu­ling buksan ang kaso ng pagkawala ng kanyang anak.

Kahapon  ay naghain ng urgent special motion si Mrs. Burgos sa SC na naglalaman ng kahili­ngan na atasan nito ang  Court of Appeals para buksan ang kaso at tanggapin ang mga bagong ebidensya na kanilang isinumite sa hukuman.

Kabilang sa mga bagong ebidensya ay ang litrato ni Jonas sa loob ng kanyang detention cell na umanoy kinunan ilang araw matapos siyang dukutin.

Sa nasabing litrato, si Jonas ay nakasuot ng puting kamiseta at ang tela na ginamit na pangpiring sa kanya ay nakalaylay na sa kanyang leeg.

Umaasa si Ginang Burgos na maisasama ang nasabing mosyon sa gagawing en banc session bukas ng mga mahistrado ng Korte Suprema.

Sa desisyon ng Court of Appeals noong Marso 18, 2013, tinukoy na ang AFP at PNP ang umanoy may pananagutan sa sapilitang pagkawala ni Jonas noong 2007.

Partikular na tinukoy ng CA si Maj. Harry Baliaga na umanoy res­ponsable sa pagkawala ni Jonas.

Show comments