MANILA, Philippines - Personal na dadalo si Pangulong Aquino sa proclamation rally ni re-electionist Manila Mayor Alfredo Lim sa Lunes, Abril 1 na gagawin sa Bonifacio Shrine sa ganap na ika-4 ng hapon.
Inaasahan ding dadalo sa rally ang iba pang kandidato ng administrasyon sa Team PNoy.
Makakalaban ni Lim sa pagka-alkalde ng Maynila ang pambato naman ng United Nationalist Alliance (UNA) na si dating Pangulong Joseph Estrada.
Kapwa ipinagmamalaki ng dalawang kandidato na nagmula ang kanilang angkan sa Tondo, isa sa pinakamalaking distrito sa Maynila.
Samantala, ngayong araw na ito, Easter Sunday inasahang isasagawa ang proclamation rally ni Estrada sa Liwasang Bonifacio sa ika-apat ng hapon.
Matatandaan na nagkaroon ng iringan sa pagitan nina Estrada at Lim ng akusahan ng dating pangulo si Lim na isa sa mga nag-iwan sa kanya noong Edsa Dos. Si Lim ay nagsilbing kalihim ng Department of Interior and Local Government noong panahon ni Estrada.
Inaasahang mangangampanya ang UNA para sa iba pa nilang lokal na kandidato na kinabibilangan nina San Juan City Mayor Guia Gomez at Makati City Mayor Jun-jun Binay.