MANILA, Philippines - Hinimok ng Palasyo ang publiko, lalo na ang mga kabataan, na makiisa sa pagdiriwang ng buong bansa sa ika-27th anibersaryo ng EDSA People Power I ngayon.
Ayon kay deputy presidential spokesperon Abegail Valte, nakasentro ang gagawing selebrasyon ngayon na pangungunahan mismo ni Pangulong Aquino sa pagpapa-alala sa mga kabataan hinggil sa kahalagahan ng okasyon na nagpanumbalik ng demokrasya sa bansa. Una ng idineklara ng Pangulo na walang pasok ngayon sa lahat ng paaralan sa buong bansa, para makadalo ang mga ito sa iba’t ibang aktibidad.
Sa hiwalay na pahayag, inanunsyo naman ni Presidential Communications Operations Office Secretary Hermino Coloma Jr., na all-set na ang gagawing mga aktibidad para sa 27th EDSA anniversary.
Sa Kalayaan grounds sa Palasyo, kabilang sa mga aktibidad ay ang palaro, kung saan iba’t ibang Filipino games ang itatampok at magkakaroon din umano ng story telling sessions na tampok ang mga kuwentong may hatid na mabubuting asal para sa mga kabataang Pinoy.
Nakatakda ring lagdaan ng Pangulo ang Human Rights Victims Reparation and Recognition Act of 2013 para naman sa mga biktima ng mga paglabag sa karapatang pantao noong martial law.
“Bubuksan ang pintuan ng Malacanang Palace doon sa area ng Kalayaan Hall, para maranasan naman ng ating mga mamamayan, lalung-lalo na ng mga kabataan kung paano ‘yung nasa loob mismo ng Malacañang Palace,†ani Coloma.