‘Sidekick’ ng Cavite gunman, kinasuhan

MANILA, Philippines - Sinampahan na kahapon ng Philippine National Police (PNP) ng kasong kriminal ang sidekick ng adik na nag-amok na nakapatay ng 9 katao kabilang ang isang buntis bago ito napaslang sa Kawit , Cavite noong Biyernes.

Ang suspek na si John Paul Lopez ay ipinagharap ng kasong 8 counts ng multiple murder, 11 counts ng frustrated murder at dalawa pang counts ng attempted murder.

Si Lopez ang umano’y nag-reload ng cal. 45 pistol ng suspek na si Ronald Bae na ginamit nito sa walang habas na pamamaril sa Brgy. Tabon 1, Kawit, Cavite.

Bago ang insidente ay nakipag-inuman pa umano si Bae kina Lopez kung saan ay humitit pa ito ng droga bago namaril kinaumagahan bandang alas-9:30 ng umaga.

Base sa pahayag ni Lopez, napilitan lamang umano siyang sundin si Bae na kargahan ng bala ang armas nito dahil tinutukan din siya ng baril.

Samantala, nakatakda ring imbitahan ng pulisya ang iba pang nakasama sa inuman nina Bae bago ito nasangkot sa ‘shooting rampage’.

 

Show comments