MANILA, Philippines - Isang 20-anyos na Overseas Filipino Worker (OFW) na nagtatrabaho bilang nurse ang dinukot sa Sanaa, Yemen subalit nailigtas din matapos ang isinagawang rescue operations ng Yemeni authorities.
Base sa report na nakarating sa Department of Foreign Affairs (DFA), kinilala ang OFW na si Annie Jones, nurse sa isang government hospital sa Sanaa, ang pinakamalaking syudad sa Yemen.
Sinabi ni Foreign Affairs Spokesman Raul Hernandez, inatasan na ang Embahada ng Pilipinas na tingnan ang kalagayan ng nasabing Pinay sa Yemen at tiniyak na mabibigyan ito ng kaukulang tulong.
Nabatid na agad na nagsagawa ng rescue operations ang Sanaa security services at matapos ang dalawang oras na pagtangay kay Jones ay matagumpay siyang nailigtas kasabay ng pagkaka-aresto sa dalawang abductors.
Si Jones ay puwersahang kinaladkad umano pasakay sa isang sasakyan ng dalawang armadong lalaki sa Hadda Street sa Sanaa noong Linggo.
Mabilis na natunton ng mga awtoridad ang Suzuki Vitara na get-away vehicle ng mga abductors sa isang highway sa Sanaa sanhi ng pagkakadakip sa mga kidnaper at pagkakasagip sa Pinay.
Nabatid na ito na ang ikalawang kaso ng kidnapping sa mga dayuhan matapos lamang ang 48-oras sa nasabing rehiyon.
Bukod sa nasabing Pinay, pinaghahanap din ng security forces ang dalawang Finns at isang Austrian na umano’y kinidnap din noong Biyernes ng mga hinihinalang kasapi ng international terrorist group Al-Qaeda.