State of National Calamity idineklara
MANILA, Philippines - Idineklara na kahapon ni Pangulong Aquino ang state of national calamity dahil sa lawak ng pinsala ng bagyong Pablo.
Sa Presidential Proclamation 522, sinabi ng Pangulo na dahil sa napakalawak ng pinsala kakailanganin ng gobyerno ang tulong ng buong bansa para sa pagsasagawa ng mabilis na rescue, recovery at relief operations sa mga lugar na naapektuhan ng bagyo partikular sa Compostela Valley, Davao Oriental at Davao del Norte sa Region XI, Surigao de Sur sa Caraga Region; Lanao del Norte, Misamis Oriental at Cagayan de Oro City sa Region X; Siquijor sa Region VII at Palawan sa Region IV-B.
Ayon pa sa Pangulo, “incalculable” ang pinsala ng idinulot ni Pablo sa buhay at ari-arian ng mga Filipino na sinalanta ng matinding pag-ulan, baha at lanslides.
Layunin ng deklarasyon na mas mapabilis ang rescue, relief at rehabilitation efforts ng gobyerno at ng pribadong sector kabilang na ang anumang international humanitarian assistance.
Epektibo ring maipatutupad ang price control ng mga basic goods at commodities sa mga naapektuhang lugar.
Magagamit rin ng mga local government units sa mga apektadong probinsiya ang kanilang mga calamity funds para sa rescue, relief at rehabilitasyon ng kanilang mga mamamayan.
Samantala, umabot na sa 50 bayan at lalawigan ang isinasailalim sa state of calamity.
Sa ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), huling nadagdag sa talaan ang bayan ng Dumaran sa Palawan at Carmen, Davao del Norte.
Sa tala ng NDRRMC 456 ang namatay, 445 ang nasugatan at 533 pa ang nawawala, pero sa Office of Civil Defense (OCD) Region 11 na sumasakop sa Davao-Compostela Valley ay aabot na sa 474 ang kabuuang nasawi. (Malou Escudero/Joy Cantos)
- Latest