Libong sako ng bigas para kay ‘Pablo’ inihanda ng Isabela
MANILA, Philippines - Hindi man tinamaan ng bagyong Pablo, naghanda pa rin ang pamahalaang panlalawigan ng Isabela para sa magiging epekto ng malakas na bagyo na nananalasa ngayon sa Mindanao at Visayas region.
Ito ang kinumpirma ni Governor Faustino ‘Bojie’ Dy III para makatulong ang kanilang probinsiya sa mga maaapektuhan ng bagyong Pablo na ayon sa National Disaster Risk Reduction and Management Council o NDRRMC ay maituturing na super typhoon dahil sa bitbit nitong lakas na hangin at malawak na mga pag-ulan.
Dagdag pa ni Gov. Dy, sa DSWD nila ibibigay ang isang libong sako ng bigas at bahala na umano ang nabanggit na ahensiya sa pamamahagi nito sa mga apektadong lugar.
“Alam namin sa Isabela ang pinagdadaanan ng ating mga kababayan ngayon na may malakas na bagyo dahil kami man ay dumaan din sa ganitong sitwasyon sa mga nagdaang panahon,” sabi ni Dy.
Iginiit naman ni Isabela Vice Governor Rodito Albano na hindi na bagong bagay ang donasyon na kanilang ibinibigay sa panahon na may mga lugar sa bansa ang binabayo ng bagyo at iba pang mga kalamidad.
Ang Isabela ay pangalawa sa pinakamalaking probinsiya sa Pilipinas at nakahanay ito sa 10 pinakamayayamang lalawigan sa bansa.
- Latest