MANILA, Philippines - Muling isinulong ng Department of Health (DOH) ang kanilang taunang babala hinggil sa ‘firecracker ban’ at nakatakda nilang kontrahin ng pagprodyus ng bagong high-powered na paputok na papangalanan umanong ‘Gangnam Style’.
Sinabi ni Department of Health Assistant Secretary Dr. Eric Tayag na may nakarating sa kanilang impormasyon ukol sa paggawa ng bagong paputok na ipapangalan sa sikat na pop song na “Gangnam style’ na tatapatan naman nila ito sa paglalabas naman ng Gangnam Pasko dance na eengganyo sa mga bata at publiko.
“Gangnam Pasko pa din, nakarinig kami gagawa sila ng paputok na Gangnam. Uunahan na namin sila ng Gangnam Pasko dance,” ani Tayag.
Sa isang programa sa telebisyon ay nag-perform pa si Tayag ng Gangnam dance para tutulan ang paggamit ng paputok.
Iginiit rin ni Tayag na patuloy pa ring ikinakampaniya sa DOH na huwag ng gumamit ng ano man uri ng paputok sa halip ay ‘Goodbye Paputok’ na lang.
Ang Goodbye Paputok na inisyu nila noong nakaraang taon ay isang CD na nagpapatugtog ng mga sound effects ng iba’t ibang uri ng fireworks tulad ng 5-star, watusi, super lolo at whistle bomb.