‘Bolo at baril’ ng karunungan, ibigay sa mga bata
MANILA, Philippines - Naniniwala si Education Secretary Armin Luistro na upang mapagtagumpayan ang kamangmangan at kahirapan ay kailangang ipagpatuloy ang pagkakaloob ng ‘bolo ng karunungan’ at ‘baril ng kaalaman’ sa mga bata.
Ang pahayag ng Kalihim ay isinagawa kasabay nang pagpapasinaya ng E-learning classroom sa Museo ng Katipunan sa San Juan City, na itinaon sa pagdiriwang sa ika-149 kaarawan ni Gat. Andres Bonifacio, kahapon.
Ayon pa kay Luistro, napapanahon ang Kto12 Basic Education program ng administrasyong Aquino para mahubog ang mga bata bilang ‘Little Katipuneros’ na nakikibaka para sa kapakanan ng kanilang pamilya, komunidad at bansa.
Tiniyak din naman nito na pagsisikapan ng gobyerno na palawakin ang e-learning classroom sa buong bansa dahil bahagi ito sa paggamit ng information and communications technology sa Kto12.
Samantala, sa kanyang mensahe ay inihayag naman ni Pangulong Benigno Aquino III ang mga programa ng kanyang administrasyon para mapaangat ang pamumuhay ng bawat isang Pilipino.
Ang pasinaya ng E-leaning classroom ay dinaluhan din nina San Juan City Mayor Guia Gomez at Rep. Joseph Victor Ejercito Estrada.
- Latest