Pala-absent na mga solons reresolbahin
MANILA, Philippines - Idadaan ng liderato ng Kamara sa Caucus ang pagresolba sa lumalalang problema sa pagliban o pala-absent na mga kongresista sa tuwing may sesyon ng kamara kayat nagiging dahilan ito ng pagkakaantala ng mahahalagang panukala.
Ayon kay House Speaker Feliciano Belmonte Jr. at Majority Leader Neptali Gonzales II, anumang araw mula ngayon ay magpapatawag sila ng caucus ng ibat ibang partido politikal na kasama sa majority coalition sa Kamara.
Sa nasabing pagpupulong umano ay hihikayatin ang mga lider ng bawat partido na obligahin ang kanilang mga miyembro na dumalo sa mga sesyon.
Paliwanag ng dalawang lider ng Kamara, ang kanilang hakbang ay dahil sa noong nakaraang siyam na araw na sesyon sa loob ng nakalipas na tatlong linggo ay isang araw pa lamang nagkaroon ng quorum sa plenaryo.
Sa kabila nito tutol naman si Belmonte at Gonzales na gamitin ang kanilang kapangyarihan upang ipaaresto ang mga pala-absent na kongresista upang puwersahin ang mga ito na dumalo sa sesyon.
- Latest