‘Suhulan’ sa Pagcor sisiyasatin ng Kamara
MANILA, Philippines - Pinaiimbestigahan ni Bayan Muna Rep. Teddy Casiño ang umano’y suhulan sa Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR).
Binanggit ni Rep. Casiño na ang magarbong akomodasyon na ibinigay kay PAGCOR Chief Cristino Naguiat at iba pang executives sa Wynn Macau noong 2010 at ang nabisto na $40 million payoff sa umano’y bagman ni dating PAGCOR Chief Ephraim Genuino ay maliit na bahagi lamang ng mas malaking usapin.
Magsusumite si Casiño sa Congressional Committee on Good Government and Accountability ng kaukulang dokumento kaugnay sa umano’y malawakang suhulan na kinasasangkutan umano ng PAGCOR’s Entertainment City.
Kabilang daw sa isusumite ang kopya na nagpapakita sa paglilipat ng HSBC ng $10 million mula Kazuo Okada’s holding company sa Subic Leisure and Management, na sinasabing kontrolado umano ni Rodolfo Soriano, isang PAGCOR consultant at kakilala ni Genuino.
Nabatid na magsusumite rin ito ng Japanese documents na nagpapakita kay Soriano bilang controlling shareholder ng People’s Technology Holding Limited na tumanggap umano ng $5 million mula sa Okada’s Future Fortune Limited.
Naghahanap pa umano ang tanggapan ni Casiño ng karagdagang dokumento na magpapalakas sa koneksyon umano ng Wynn Resort Compliance Committee Report bilang bagman umano ni Genuino.
Ang narapat lamang umanong gawin ngayon ng gobyerno ay suspendihin muna ang proyekto ng entertainment city upang walang pondong masasayang.
- Latest