MANILA, Philippines - Binawian na ng buhay ang isa sa apat na Pinoy na nasa kritikal na kondisyon at biktima ng pagsabog ng isang oil rig sa port ng Mexico sa Louisiana, USA.
Ayon sa report ni Ambassador Jose Cuisia, Jr. sa Department of Foreign Affairs (DFA), kinilala ang nasawi na si Avelino Tajonera, 49-anyos, isang welder. Nalagutan ito ng hininga ilang oras lamang matapos ang pagdating ng kanyang maybahay at tatlong anak sa ospital sa Texas mula Pilipinas noong Huwebes ng gabi.
Habang isinusulat ang ulat na ito hindi pa natatagpuan sa karagatan ang katawan ng isa pang Pinoy na nawawala na si Jerome Malagapo, 28- anyos, na pinangangambahang patay na rin sa nasabing insidente.
Ilang oras lamang matapos ang pagsiklab ng oil platform na pag-aari ng Black Elk Energy noong Nobyembre 16 sa karagatang sakop ng Louisiana ay iniulat ang pagkakarekober ng US Coast Guard sa katawan ng Pinoy na si Ellroy Corporal, 42, tubong Iligan na kabilang sa 22 katao na nasawi sa pagsabog.
Nabatid na may 9 na Pinoy ang nasa oil rig nang maganap ang pagsabog kung saan tatlo ang nakatakbo at hindi nasaktan.
Ang mga labi naman ni Corporal ay nakatakdang iuwi sa Pilipinas sa Martes.
Ayon sa DFA, ang 9 na nabanggit na Pinoy ay kabilang sa 162 Pinoy welders, fitters, sca folders at riggers na na-hire o kinuha sa Pilipinas ng Gulf Isle Shipyard sa pamamagitan ng D&R resources na nagsilbing contractor ng Black Elk Energy sa nasabing oil rig.