Satellite launch ng Sokor sinuspinde uli
MANILA, Philippines - Sa ikaapat na pagkakataon, muling sinuspinde kahapon ng South Korea ang satellite launching nito.
“The satellite launching was postponed again due to technical problem again sa fuel,” ani National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Executive Director Benito Ramos.
Sa ipinarating na impormasyon sa pamahalaan ng Ministry of Foreign Affairs and Trade of the Republic of Korea muling itinakda ang satellite launching sa Nobyembre 15-24, 2012 na masusi nilang minomonitor.
Sa nasabing petsa muling ipatutupad ang no fly zone, no sail zone at no fishing zone mula alas-3 ng hapon hanggang alas-6 ng gabi sa nasabing mga petsa.
Kabilang sa mga lugar na isinailalim sa exclusion zone ang eastern seaboard ng Pilipinas na kinabibilangan ng buong Bicol Region, Samar, Leyte, Surigao del Norte, Surigao del Sur, Siargao Island sa CARAGA Region na posibleng tamaan ng landfall ng kapsula ng satellite, masunog sa himpapawid at magkapira-pirasong bahagi nito.
Nitong Biyernes ng umaga ay naalarma ang NDRRMC sa pagbibigay ng babala sa mga residente, mangingisda sa pagpapatupad ng ‘no fly zone, no sail zone’ dahil sa satellite launching pero bago magtanghali ay binawi matapos na iparating ng Sokor na muli nila itong ipinagpaliban.
Noong Oktubre 26 ipinagpaliban ng Sokor ang paglulunsad ng satellite sa himpapawid na nasundan nitong Oktubre 27, 31 at ang pang-apat ay kahapon.
- Latest