Hepe iniligtas ng bullet proof vest
MANILA, Philippines - Iniligtas ng kaniyang bullet proof vest ang hepe ng pulisya matapos itong makipagbarilan sa inaarestong rapist na napatay sa shootout sa Barangay Poblacion sa bayan ng Compostela, Cebu noong Undas, ayon sa ulat kahapon.
Idineklarang patay sa Danao District Hospital ang inireklamong rapist na si Jeneno “Baho” Udtohan matapos itong masapul ng mga bala ng baril sa iba’t-ibang bahagi ng katawan.
Kinilala naman ang nakaligtas na opisyal na si P/Senior Inspector Jaime Tolentino ng Compostela PNP kung saan may suot na bullet proof vest dahil sa dibdib ito pinaputukan ni Udtohan.
Sa ulat ni Police Regional Office 7 Director P/Chief Supt. Marcelo Garbo Jr., bandang alas-10:45 ng gabi nang magtungo ang mga operatiba ng pulisya sa pamumuno ni Tolentino upang isilbi ang warrant of arrest laban sa suspek.
Gayon paman, paparating pa lamang sa nasabing lugar ay sinalubong na ang mga pulis ng pagpapaputok ng nanlabang suspek kung saan ang nasabing hepe ang una nitong pinaputukan sa dibdib.
Mabuti na lamang at nakasuot ng bullet proof vest si Tolentino na mabilis na buwelo at nakipagpalitan ng putok kay Udtohan na agad na bumulagta.
Nabatid na si Udtohan at isa pang suspek na si Adones Carasaquit ay inihabla sa kasong rape ng pamilya ng isang mentally retarded na menor-de-edad kung saan ang krimen ay naganap noong 2010.
Nasakote si Carasaquit noong 2011 at ngayo’y nakaditine sa Cebu Provincial Detention and Rehabilitation Center.
Narekober naman sa pinangyarihan ng shootout ang tatlong basyo at tatlo pang bala ng cal. 38 revolver at tatlo ring basyo ng bala ng cal. 45 pistol.
- Latest