Food Security Act minamadali na sa Senado
MANILA, Philippines - Upang masigurado na ligtas ang pagkain na nabibili sa merkado at mapangalagaan ang kalusugan ng mga mamamayan, minamadali na ng mga senador ang pagpasa ng panukalang Food Safety Act of 2012 na may pinakamabigat na multang aabot sa P500,000 at pagkakulong ng mula anim na buwan hanggang anim na taon kung mamamatay ang biktima sanhi ng maruming pagkain.
Sa Senate Bill 3311 na inihain nina Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada, Senators Manny Villar, Miriam Defensor-Santiago at Edgardo Angara, sinabi ng mga senador na panahon na para magkaroon ng batas na magpaparusa sa mga tiwaling negosyante na hindi sinisigurado ang kaligtasan ng kanilang produktong pagkain.
Ikinatuwiran ng mga senador na katungkulan ng gobyerno na isulong ang karapatan ng mga mamamayan na magkaroon ng maayos na kalusugan.
Ang mga tao at kompanya umano na nagpo-produce ng pagkain para sa mga mamamayan ay may malaking responsibilidad para mabawasan ang tinatawag na ‘food safety hazards sa kanilang produkto.
Sinabi pa ni Estrada na dapat magkaroon ng epektibong programa ang gobyerno para maprotektahan ang food industry sa bansa.
Lusot na sa komite ang panukala at inaasahang maipapasa sa plenaryo sa pagbabalik ng sesyon ng Senado sa susunod na buwan.
Multang P50,000 hanggang P100,000 at suspensiyon ng authorization sa loob ng anim na buwan sa unang conviction; P100,000-P200,000 multa at suspensiyon ng authorization sa loob ng tatlong buwan sa pangalawa; at sa third conviction, P200,000-P300,000 multa at suspensiyon ng authorization sa loob ng 6 na buwan.
Kung magreresulta sa slight physical injury ang maruming pagkain, ang naglabas nito ay papatawan ng multa na hindi bababa sa P2000,000 pero hindi lalampas sa P300,000 at pagbabayarin din ang offender ng nagastos sa ospital ng biktima.
Aaabot naman sa P500,000 ang multa at kulong ng anim na buwan hanggang anim na taon kung mamamatay ang biktima.
- Latest