MANILA, Philippines -Paiimbestigahan sa Senado ni Sen. Koko Pimentel ang pagdiskwalipika sa mga partylist ng Commission on Elections (Comelec).
Inihayag ito ni Sen. Pimentel, chairman ng Senate Committee on Suffrage and Electoral Reforms sa gitna ng umiinit na isyu ng pagpapatalsik sa mga partylist na umano’y hindi tunay na kumakatawan sa mga marginalized sector.
Matatandaan na kabilang sa mga partylist na naunang inalis sa listahan ng Comelec ang Ako Bicol, APEC at I-CARE.
Kasabay nito, nagmartsa kahapon ang mahigit 10,000 mga taga-suporta, volunteers, Ako Bicol (AKB) scholars at sectoral groups sa Penaranda Park sa Albay district bilang pagsuporta sa Ako Bicol Party List.
Inihayag ng mga scholars ng AKB ang kanilang testimonya kung paano sila natulungan at patuloy na tinutulungan ng AKB upang maitawid ang kanilang pag-aaral hanggang sa makatapos.
Iginiit nila na ang Ako Bicol ay karapat-dapat na manatiling manilbihan sa Bicol na siyang kaisa-isang partylist ng mga Bikolano.
Anila, hindi karapat-dapat na ang ibinoto ng halos dalawang milyong katao sa buong bansa ay basta na lamang mawawala.
Kaya umano inihalal at inilagay sa pwesto ang AKB Party List dahil batid nilang maraming matutulungan at ito ay napatunayan na simula nang maupo ang mga kinatawan sa Mababang Kapulungan.
Hindi naman makikialam ang Kamara sa mga partylist groups na tinanggalan ng accreditation ng Comelec para makasama sa 2013 midterm elections.
Ayon kay House Speaker Feliciano Belmonte Jr., nakausap na niya ang mga partylist Representatives na nilaglag ng Comelec.
Bagamat nakikisimpatiya umano sa hinaing ng mga ito, wala na rin umanong magagawa si Belmonte dahil discretion na ito ng Comelec at final and executory na rin ito.
Giit ni Belmonte, kung ayaw umanong isuko ng mga partylist groups ang kanilang pwesto sa Kongreso at karapatang makatakbo sa halalan, huling baraha na lamang umano ay tumakbo sa Korte Suprema.