‘Julian’ lalo pang lumakas, itinaas sa ‘typhoon category’
MANILA, Philippines — Nakataas na ang Tropical Cyclone Wind Signal (TCWS) No. 3 sa northeastern portion ng Babuyan Islands habang lumakas pa si “Julian” na isa na ngayong bagyo.
Sa 2 p.m. bulletin ng PAGASA, ang sentro ng mata ng Typhoon Julian (international name: Krathon) ay huling namataan 275 km east ng Calayan, Cagayan.
Taglay nito ang lakas ng hangin na 120 km per hour at bugso na aabot sa 135 kph. Kumikilos ang bagyo pa-hilaga hilagang kanluran sa bilis na 15 kph.
Samantala, nakataas ang TCWS No. 2 sa Batanes, mainland Cagayan, nalalabing bahagi ng Babuyan Islands, Apayao, at northern at central portions ng Ilocos Norte.
TCWS No. 1 naman sa nalalabing bahagi ng Ilocos Norte, Ilocos Sur, northern portion ng La Union, Abra, Kalinga, Ifugao, Mountain Province, northern at central portions ng Benguet, Isabela, Nueva Vizcaya, Quirino, at northern at central portions ng Aurora.
Babala naman ng PAGASA na ang pinakamataas na tropical cyclone wind signal dahil kay ‘Julian’ ay maaaring umabot sa Signal No. 4 at hindi rin isinasantabi ang posibilidad na umabot ito sa kategoryang super typhoon.
- Latest