EDITORYAL — School, evacuation center na naman!
NAGKAROON nang malaking sunog sa isang residential area sa Aroma Road 10 sa Tondo, Maynila noong Sabado at maraming bahay ang nasunog kabilang ang siyam na residential building na inookupa nang maraming pamilya. Pitong tao ang nasugatan. Ayon sa Manila Bureau of Fire Protection (BFP), nagsimula ang sunog ng alas dose ng tanghali at naapula ng alas sais ng gabi.
Dahil walang mapagdadalhang lugar para sa mga nasunugan, ipinasya ni Manila Mayor Honey Lacuna na sa Gen. Vicente Lim Elementary School dalhin ang mga biktima ng sunog. Inihayag niya na suspendido ang klase ng Setyembre 16 (Lunes). Hindi naman sinabi ni Lacuna kung hanggang kailan mamamalagi sa school ang mga nasunugan. Sinabi pa ni Lacuna na magkakaroon ng make-up classes ang mga mag-aaral bilang kapalit ng araw na suspendido ang klase.
Tuwing may sunog, bagyo, lindol at pagputok ng bulkan, ang pampublikong eskuwelahan ang lagi nang hantungan ng mga biktima ng kalamidad. Taun-taon, mahigit 20 bagyo ang tumatama sa bansa. At sa kabila nito, walang desenteng evacuation centers para sa mga biktima. Sa mga school at gymnasium isinisiksik na parang sardinas ang mga evacuees. Dahil sa pagsisiksikan, nagkakahawahan ng sakit. Lubhang apektado ang mga bata kapag nasa evacuation center.
Noong Abril, nakiusap ang Department of Education (DepEd) na huwag gamitin ang mga eskuwelahan na evacuation centers sapagkat naaapektuhan ang pagpasok ng mga estudyante. Subalit hindi nagkaroon ng katuparan ang pakiusap sapagkat patuloy na ginawang evacuation centers ang mga eskuwelahan.
Nang bumaha noong Hulyo 24 sa Metro Manila at mga karatig probinsiya, ang mga eskuwelahan ang naging temporary shelter ng evacuees. Grabe ang baha kaya maraming residente ang dinala sa mga eskuwelahan. Isang linggong nanatili sa mga eskuwelahan ang evacuees. Nang magbukas ang klase noong Hulyo 29, maraming eskuwelahan ang ipinagpaliban ang pagbubukas ng klase dahil ginagamit na evacuation centers. Hindi naman maitaboy ang evacuees sapagkat karamihan sa mga ito ay may mga maliliit na bata at senior citizens.
Hindi maganda ang epekto sa patuloy na paggamit ng mga eskuwelahan bilang evacuation centers. Apektado ang pag-aaral ng mga estudyante. Isa pang hindi maganda, nasisira ang mga school dahil sa kagagawan ng evacuees. Maraming nasasalaula at nasisira.
Panahon na para magpagawa ng evacuation centers sa bawat barangay. Disenteng evacuation centers ang nararapat para sa mga nasalanta ng kalamidad. Iprayoridad sana ito ng local government units (LGUs).
- Latest