MANILA, Philippines - Malapit nang malinis ng Filipino boxing icon Manny Pacquiao ang kanyang pangalan mula sa umano'y hindi niya pagbabayad ng buwis sa Amerika, ayon sa kanyang mga abogado.
Sinabi ng mga abogado ni Pacquiao sa Amerika na si Steven Toscher ng Hochman Salkin Retting Toscher & Perez P.C. at David Marroso ng O'Melveny and Meyers na malapit na nilang maayos ang umano'y $18 milyon na utang buwis na hindi binayaran ni Pacquiao sa Internal Revenue Service (IRS) noong 2006 hanggang 2010.
"The IRS has abated the tax assessments against Manny which triggered the filing of the lien and has released or is in the process of releasing all federal tax liens and levies," pahayag nina Toscher at Marroso.
Sinabi ni Toscher na seryoso ang kanyang kliyente na maaayos ang problema sa gobyerno ng Amerika.
Samantala, sinabi naman ng abogado ni Pacquiao sa Pilipinas na si Tranquil Salvador na wala nang naka-prendang ari-arian ang eight-division champion sa Amerika.
"Ang ibig sabihin nun, na-lift na lahat nung mga lien ng kanyang properties sa Amerika, so wala na itong marka ng tinatawag natin na IRS," sabi ni Tranquil Salvador sa panayam sa ABS-CBN.
"Ang ibig sabihin nito, malaya niyang maibebenta, malaya niyang magagawa ang gusto niyang gawin sa kanyang mga property, ganun rin po ang bank accounts," dagdag niya.
Bukod sa gusot sa IRS, hinahabol pa rin ng Bureau of Internal Revenue sa Pilipinas si Pacquiao dahil sa umano'y hindi pagbabayad din ng tamang buwis.
Sinabi ng BIR na hindi bababa sa P2 bilyon ang utang ni Pacquiao sa gobyerno.