MANILA, Philippines - Umakyat na sa 222 katao ang nasawi sa pagtama ng magnitude 7.2 na lindol sa Central Visayas, ayon sa disaster response agency ngayong Miyerkules.
Sinabi ng National Disaster Risk Reduction Management and Council na apat na bangkay pa ang natagpuan ng mga awtoridad sa bayan ng Sevilla at Loon sa probinsya ng Bohol.
Tumaas din ang bilang ng mga nasaktan sa matinding lindol sa 797 na katao, habang walong katao pa rin ang pinaghahahanap, kabilang ang limang binatilyo sa bayan ng Sagbayan kung saan naitala ang sentro ng lindol.
Sinabi ng NDRRMC na 670,000 pamilya o 3.2 milyong katao ang naapektuhan ng lindol na tumama noong Oktubre 15.
Samantala, nakapagtala na ng 3,066 na aftershocks ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology, pero 84 lamang ang naramdaman.