MANILA, Philippines – Matapos hindi palaring manalo sa katatapos lamang na halalang pambarangay, pinagbabaril ng isang lalaki ang kanyang tatlong kapatid sa probinsya ng Capiz, ayon sa mga pulis.
Kinilala ni Chief Superintendent Agrimero Cruz Jr., director ng Police Regional Office 6, ang suspek na si Manuel Arcenas.
Pinagbabaril ni Arcenas ang kanyang mga kapatid na sina Jennifer Nuyles, Evelyn Espinar at Ramon Arcenas sa loob ng kanilang bahay sa Barangay Manapao, Pontevedra bandang ala-5 ng umaga.
Hindi na umabot nang buhay sa Bailan District Hospital ang mga biktima, habang nakatakas si Arcenas.
Isa sa mga tinitignang anggulo ng mga pulis ang pagkatalo ni Arcenas sa eleksyon.
Sinabi pa ni Cruz na maaaring agawan ng mana ang rason sa likod ng krimen.
Naglunsad na ng manhunt operation ang mga awtoridad laban kay Arcenas.