MANILA, Philippines - Tiklo ang isang Nigerian national na pinaniniwalaang miyembro ng African Drug Syndicate, ayon sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ngayong Biyernes.
Pinangalanan ni PDEA chief Arturo Cacdac Jr. ang suspek na si Kingsley Ezeobi, 24, ng 376 Barangay Sampaloc 1, Palapala, Dasmariñas City, Cavite.
Isa umanong drug pusher at runner ng sindikato ng mga Aprikano sa Pilipinas si Ezeobi, dagdag ni Cacdac.
Nasabat sa suspek ang 20 gramo ng shabu sa isinagawang buy-bust operation sa Barangay Moderan, General Mariano Alvarez, Cavite, nitong Oktubre 8.
Samantala, nadakip din ng mga tauhan ng PDEA ang tulak na si Arnel Uypico, 42, sa kanyang bahay sa Barangay Kalehan, San Pablo City, Laguna.
Nakumpiska kay Uypico ang 25 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P375,000 noong Oktubre 9.
Nasakote rin sa kaparehong araw ang tricycle driver na si John Allien Ombawa, 27, sa Purok 1, Barangay Lodlod, Lipa City.
Nabawi mula kay Ombawa ang kalibre .22 na baril at isang gramo ng shabu.