MANILA, Philippines – Itinigil na ng Office of Civil Defense (OCD) ngayong Lunes ang rescue operations para sa mga posibleng pang survivor ng paglubog ng M/V Lady of Mt. Carmel sa isla ng Burias sa Masbate nitong Biyernes.
Sinabi ni Bernardo Alejandro IV, pinuno ng OCD Bicol Region, na magsasagawa na sila ng search-and-retreival operations para sa pitong katao na nawawala.
"Effective today, we shifted our search operations from rescue to retrieval. That means we will stop extensive searches for possible survivors," pahayag ni Alejandro sa isang panayam sa radyo.
Tinukoy din ng pinuno ng OCD Bicol Region ang masamang panahon sa paligid ng Masbate.
Base sa datos ng National Disaster Risk Reduction and Management Council, pitong pasahero pa ng M/V Mt. Carmel ang nawawala na nakilalang sina Abegail Barredo, Noan Manocan, Fe Rapsing, Leticia Andaya, Jonas Comidor, Arianne Comidor, at Jocelyn Danao.
Sa pitong nawawala, tanging sina Barredo, Manocan, at Andaya lamang ang nakalista sa manifesto ng barko.
Lumubog ang barko na pagmamay-ari ng Medallion Shipping Lines sa Claveria, Burias Island bandang 5:45 ng umaga nitong Biyernes, kung saan dalawang katao ang kumpirmadong nasawi, habang nailigtas naman ang 39 pasahero at 22 tauhan.
Nakilala ang mga nasawing biktima na si Carlota Senga, 58, at Erlinda Julbitado, 59.