MANILA, Philippines – Ipinaramdam ng defending champion Miami Heat ang kanilang tunay na lakas matapos tambakan ang San Antonio Spurs, 103-84, upang angkinin ang game 2 ng NBA Finals ngayong Lunes sa American Airlines Arena.
Hindi hinayaan ng Heat na muli silang mapahiya sa sariling home court sa pagbulusok sa dulo ng third quarter upang maitabla ang best-of-seven na serye sa 1-1 standing.
Mula nang panghawakan ng Spurs ang 62-61 na kalamangan sa ikatlong canto ay hindi na nila ito nakuha pa matapos uminit ang Miami para kubrahin ang 19-point lead, 84-65, gamit ang 23-3 run sa huling yugto ng laro.
Mula noon ay hindi na nakahabol pa ang Spurs na nagtala ng 17 turnovers kumpara sa anim lamang ng Heat.
Nanguna para sa Heat si Mario Chalmers na may 19 points, at bumakas pa si four-time MVP LeBron James ng 17 markers, walong rebounds at pitong assists para bumangon sa game one loss nila.
Muling magtatagpo ang dalawang tropa sa Miyerkules para sa game three na lalaruin sa AT&T Center.