MANILA, Philippines – Hinihimok ng isang paring Katoliko ang mga Pilipino ngayong Biyernes na magnilaynilay ngayong mahal na araw imbes na pumunta sa mga beach at magliwaliw.
Sinabi ni dating Lingayen-Dagupan Archbishop Oscar Cruz sa isang panayam sa TV, dapat ay magnilay-nilay ang mga Pilipino, magkumpisal ng mga kasalanan at tumanggap ng komunyon sa 40 araw ng kuwaresma na magsisimula sa Ash Wednesday hanggang Sabado de Gloria.
"Counting from Ash Wednesday to Holy Saturday, ang gusto ng simbahan is for us to re-engage in self-examination, the examination of our conscience. Kung minsan ang pagsisisi doon lang sa mga masasama nating nagawa. Iyong mabuting hindi natin nagawa dapat din nating pagsisihan kasi madami iyan," pahayag ni Cruz.
Nakikiusap si Cruz sa mga Pilipino na huwag gawing panahon ng bakasyon ang mahal na araw at sinabing ilaan na lamang ito para sa pag-alaala sa ginawa ng Diyos.
"We have the whole year from January to December to go everywhere to rest. Huwag naman sanang isadya iyon sa Kuwaresma. I understand that they put up a chapel in one of those famous beaches. Ok din naman na [mag-bonding tayo kasama ang pamilya], but let's be frank about it, kapag nandoon ka na, mas madaling magpunta sa beach kaysa sa simbahan," dagdag ni Cruz.
Samantala, patuloy ang panawagan ng simbahan kontra sa mga nagpepenitensya at nagpapapako sa krus upang ipakita ang kanilang pagsisisi sa mga kasalanan.
"It's sad dahil sa dinanas na ni Kristo para sa atin iyan. Some people even take advantage of this and they make money out of it," sabi ni Cruz.