MANILA, Philippines – Iminungkahi ng isang mambabatas ngayong Lunes na dapat ay sabay pagandahin at ayusin ang Ninoy Aquino International Airport (NAIA) at Clark International Airport (CIA).
Sinabi ni Valenzuela City 2nd District Rep. Magtanggol Gunigundo na dapat ayusin ang dalawang paliparan kapag mayroong nang gumaganang fast rail shuttle na magdadala ng mga pasahero mula CIA sa Subic patungong NAIA sa lungsod ng Pasay.
Dagdag ni Gunigundo, vice chairman ng House Committee on Transportation, na kung wala ang fast rail transport system na magdadala sa mga pasahero mula Clark sa loob lamang ng 20 hanggang 30 minuto ay hindi pa dapat ipasara ang NAIA.
Naglabas ng pahayag si Gunigido ang kanyang pahayag bago magdesisyon si Pangulong Benigno Aquino III kung papanatiliin at ipapaayos ang NAIA at CIA bilang mga pangunahing paliparan o papalitan ang NAIA ng CIA.
“We need to develop both airports until such time that a Clark fast rail shuttle is operational,†sabi ni Gunigundo.
Nauna nang sinabi ni Transportation and Communications Secretary Joseph Emilio Abaya na may magkaibang plano para sa CIA at NAIA na pag-uusapan sa Cabinet economic cluster bago dalhin sa Pangulo upang aprubahan.
Isa umano sa mga plano ay ang pagkakaroon ng dalawang pangunahing paliparan -- ang NAIA at ang CIA-- o ang pagbitiw sa NAIA bilang pangunahing paliparan pabor sa CIA.
Idinagdag ni Abaya na maaari ring gumawa ng bagong paliparan sa loob ng Metro Manila o sa mga karatig na probinsya nito upang palitan ang NAIA complex sa lungsod ng Pasay.
Ang CIA ay may lawak na 2,400 hektarya at tatlong beses ang laki sa 700-hektarya na NAIA complex.
Ayon kay CIA Corp. adviser Capt. Benjamin Solis kailangang maisaayos na sa lalong madaling panahon ang CIA dahil 40 porsyentong lagpas na sa kapasidad ang NAIA.