Laging sinasaktan ng mga nakakarelasyon
Dear Vanezza,
Tawagin mo na lang akong Sheena, 32 years old. May kinakasama akong lalaki ngayon at 4 months na kami. Lagi niya akong sinasaktan. Sa dalawa kong unang nakalive-in ay ganun din, sinasaktan din nila ako. Puro sila lasenggo at kapag umuuwi ng bahay ay binubugbog ako. Mga pogi nga sila pero nananakit naman. Mabuti na lang at may diperensiya ako at hindi magkakaanak kundi pati anak ko ay madadamay. Paglalabada lang ang tanging kabuhayan ko. Kailan kaya darating ang tunay na pag-ibig sa buhay ko? Isang lalaking hindi nananakit kundi puro pagmamahal ang ibibigay sa akin? Dapat ko na bang hiwalayan ang kinakasama ko? Salamat sa pagtugon sa problema ko.
Dear Sheena,
Wag kang magpaka-martir. Wala kang kinabukasan sa ganyang klase ng lalaki. Aanuhin mo ang kanyang kaguwapuhan kung puro latay at pasa naman ang iyong katawan? Gamitin mo sana ang iyong utak at huwag puso ang laging pinaiiral. Kilalanin mo rin munang mabuti ang lalaki bago ka makisama. Matuto ka na sa mga kabiguan mo. Ikaw ang “nagmamaneho” ng iyong sarili kaya nasa sa’yo kung ang daan na tatahakin mo ay tungo sa ikabubuti ng buhay mo.
Sumasaiyo,
Vanezza
- Latest