Tumayo sa sariling paa kahit iniwan ng mister
Dear Vanezza,
Almost 20 years na kaming kasal ng mister ko at nangako kami noon sa isa’t isa na walang iwanan. Pero ngayong mga teenager na ang dalawa naming anak, nanlamig na ang aming pagsasama. Pinili niyang pakisamahan ang kanyang kerida. Naging mabait at maunawain akong asawa at ina ng aming mga anak, pero ipinagpalit n’ya ako sa isang GRO. Gusto ko po manatili ang respeto ko sa aking sarili kaya hindi na ako naghabol. Sakaling magsawa siya sa kerida niya, wala na siyang mababalikang pamilya dahil pinetisyon na kaming mag-iina ng aking mga magulang na nasa Canada. May nanliligaw po sa akin ngayon pero nadala na kasi ako kaya wala ito sa aking prayoridad. - Len-len
Dear Len-len,
Hindi mo nabanggit kung nagharap ka ng legal separation sa ginawa mong pakikipaghiwalay sa asawa mo. Gayunman, ang mahalaga ngayon ay naipakita mo na hindi mo pinabayaan ang iyong mga anak at napanatili mo ang iyong dignidad sa kabila ng masakit na karanasang idinulot ng asawa mo. Mapalad ka sa pagkakaroon ng maunawaing pamilya na nakaalalay sa inyo. Kung makakatagpo ka ng lalaking magmamahal sa iyo at mamahalin mo rin, hindi mo dapat pagkaitan ang sarili na muling lumigaya. Hindi mo dapat sikilin ang iyong sarili, dahil sa ganitong paraan ay tiyak na mapapagod ka at mangangarap ng pagmamahal ng iba. Piliin mo lang ‘yun tunay na maghahal at tatanggap sa iyong anak. Nawa’y matamo mo ang kaligayahan at katiwasayan para sa inyong mag-iina.
Sumasaiyo,
Vanezza
- Latest