‘Good diet’
Mahalaga ang pagkain sa ating kalusugan. Karamihan ng tao dito sa ating bansa hindi nakakasunod sa tama at wastong pagkain dulot ng kahirapan at kawalan ng tamang impormasyon. Hindi importanteng kumain tayo ng mamahaling pagkain lalo na iyong mga imported, ang mahalaga ay mga pagkaing nagtataglay ng tamang nutrients. Maraming gulay at prutas sa ating bansa na makapagbibigay ng tamang sustansya na abot kayang bilhin ng bawat Filipino. Tulad ng green leafy vegetables, sariwang prutas at pag-inom ng gatas, tubig at pag-eehersisyo para maiwasan ang pagkakasakit.
Ang pagkain ng wasto ay ang ating pundasyon para sa malusog na pangangatawan. Ang hindi tamang pagkain ay nagdudulot ng pagkahina nang ating immune system. Ang masusustansyang pagkain ang pinanggagalingan ng lakas ng ating katawan. Ito ay kailangan upang makaya ng ating katawan ang mga pang-araw-araw na gawain.
Marapat din nating suriin ang nutritional value ng bawat pagkaing ating kinakain at siguraduhin na ang ating katawan ay umaabot sa pang araw-araw na bitamina at mineral na kailangan ng ating katawan.
Hindi tamang tayo ay busog at malamanan lang ang ating sikmura bagkus kailangan nating planuhin at alamin ang tamang pagkain na makapagbibigay sa atin ng wastong nutrisyon. Subukan nating pumili ng angkop na pagkain na makapagbibigay ng wastong nutrisyon katulad ng mga butil, gulay at prutas, karne.
Sadyang mahalaga ang kalusugan kaya dapat nating alagaan. Ang taong may disiplina sa katawan at kalusugan ay maaaring magtaglay nang malakas na pangangatawan para makaiwas sa sakit at upang makamit ito ay kailangan ng wasto at tamang pagkain sa araw-araw.
- Latest