Naki-apid sa may asawa
Dear Vanezza,
Isa po akong caregiver sa abroad. Wala naman akong problema at mabait ang aking mga amo. Pero ang lungkot na mapawalay sa aking asawa at anak ang araw at gabing pumapatay sa akin. Ang kinabukasan ng aking anak ang nagpapalakas ng aking loob para tapusin ang tatlong taon kong kontrata. Hanggang sa may makilala akong Pinoy na tulad ko, may asawa at anak din sa Pilipinas. Dahil kapwa malungkot, nagkalapit kami at nangyari ang hindi dapat na mangyari at nabuntis ako. Pilit kong itinago sa aking amo ang lumalaki kong tiyan at nang hindi ko na ito maikubli, nagpaalam ako na magbabakasyon. Sabi ko may emergency sa aming pamilya. Umuwi ako ng Pinas at sinabi ko sa aking asawa na na-rape ako ng aking amo kaya nabuntis ako. Umuwi rin ng Pinas ang bf ko at ipinagtapat sa kanyang asawa at mga magulang ang nasuutan niyang problema. Nang manganak ako, ang mga magulang ko lang ang kasama ko sa ospital at mga magulang at kapatid ng lover ko. Kinuha nila ang baby ko dahil iyon daw ang bilin ng kanilang anak. Naging malamig na sa akin ang aking mister pero hindi niya ako hiniwalayan. Paalis na uli ako ngayon pero hindi ko malimutan ang sanggol na isinilang ko. Hindi ko na rin inalam pa kung nasaan na ang lover ko. Ang balita ko ay pinatawad na siya ng kanyang asawa at tanggap na niya ang batang anak namin sa pagkakasala. Ano po ang dapat kong gawin? - Beki
Dear Beki,
Makabubuting ipaubaya mo na ang sanggol sa kanyang ama. Tutal naman tanggap na ito ng kanyang asawa at magulang. Pwede mong ipakiusap na sana, sa tamang panahon ay mabisita mo ang bata pero wala kang balak na kunin ito. Ipagtapat mo rin sa iyong asawa ang buong pangyayari. Ipakita mo na nagbago ka na at hindi na mauulit ang masaklap na insidenteng naging daan para makiapid ka sa iba. Tatagan mo ang loob mo sakali’t hindi matanggap ng iyong asawa sa simula ang iyong nagawang pagkakasala. Huwag mo na ring tangkain pang makipagmabutihan sa lover mo dahil mawawasak ang kanyang pamilya gayundin ang pamilya mo. Sikapin mong mag-ipon at magpundar na lang ng isang munting negosyo rito sa Pinas para hindi ka na umalis pa at mawalay sa iyong pamilya.
Sumasaiyo,
Vanezza
- Latest