RabGel, isang taon na

MANILA, Philippines — Matatag na talaga ang tambalang RabGel nina Rabin Angeles at Angela Muji.
Matapos mapansin ng mga manonood sa Wattpad series adaptation na Seducing Drake Palma at mas makilala bilang fast-rising love team ng Viva sa film debut na A Werewolf Boy, magbibida sila ngayon sa Viva One Originals: RabGel.
At dito mas patutunayan nila na hindi lang basta pagpapakilig ang kaya nilang gawin, kundi ipapakita nila na kaya nilang gumanap sa iba’t ibang genre.
Ang Viva One Originals: RabGel ay binubuo ng apat na stand-alone episodes na magpapalakas ng kanilang tambalan at kanya-kanyang talento.
Dalawa sa apat na episodes ang magtatampok kina Rabin at Angela bilang magkapareha, habang ang dalawa pang episodes ay magkahiwalay na kwento kung saan haharap sila sa mga panibagong hamon sa labas ng tambalan.
Pawang magagaling na direktor din ang humawak ng bawat episode kaya’t kaabang-abang ang mga tampok na kuwento sa Viva One Originals: RabGel.
Unang mapapanood ang Ang Rider Kong Hoodlum kung saan sasabak ang love team sa umaatikabong action-romance. Gaganap si Angela bilang si Celine, isang regular na pasahero ng motorcycle taxi rider na si Marco (Rabin).
Isang araw, masasaksihan ni Celine ang isang krimen at hihingi siya ng tulong kay Marco para makaligtas. At habang hinahanap ng mga kriminal, unti-unti silang mapapalapit sa isa’t isa. Sa gitna ng kanilang pagtatago, lilitaw rin ang mga tanong tungkol sa nakaraan ni Marco.
Sa direksyon ni Direk Philip King, mapapanood ang Ang Rider Kong Hoodlum sa May 15.
Susunod ang kwelang episode sa Same Day Error, mula sa direksyon ni Rayn Brizuela na pagbibidahan nina Rabin at Jerald Napoles sa isang magulong araw sa buhay ng isang wedding videography team.
Gaganap si Rabin bilang si Marlon na isang binatang sabik patunayan ang sarili sa industriya kasama ang nakatatanda at accident-prone partner na si Onyok (Jerald).
Haharapin nila ang isang kasalan na puno ng magugulong bisita, sira-sirang equipment, demanding na groom at nerbyosang bride.
Sa pagtutulungan na mairaos ang okasyon, muli nilang matutuklasan ang passion sa ginagawa at ang tibay ng kanilang pagkakaibigan kaya maki-laugh out loud na sa Same Day Error pagdating sa May 22.
Pangatlong episode ang My CEO Thinks I’m a Robot kung saan makakapareha ni Angela si Carlo Aquino na isang kakaibang romcom sa direksyon ni Gino Santos.
Si Angela ay si Aiko na isang matalinong AI (artificial intelligence) developer sa Labyu Tech na papayag magpanggap na robot kapalit ng pera. Maa-assign siya kay Ernest, ang mailap na CEO na crush niya at may dinadalang bigat mula sa nakaraan.
Hanggang dumating sa puntong unti-unting makakahanap ng katuwang si Ernest sa inaakalang robot hanggang sa magsimula silang magkaroon ng komplikadong damdamin para sa isa’t isa.
Pwede bang umusbong ang isang pag-ibig mula sa kasinungalingan? Ano ang mangyayari ’pag nabunyag ang katotohanan? Alamin ang sagot sa My CEO Thinks I’m a Robot sa May 29.
Kukumpletuhin ang apat na episodes ng isang obra na muling ididirek ng Seducing Drake Palma director na si Crisanto Aquino ang RabGel sa Us, Maybe.
Ito ay tungkol kay Tala (Angela), isang sikat na influencer na maka-cancel matapos mabiktima ng edited screenshots at clips.
Sa isang magulong fan meet, sasagipin siya ni Michael (Rabin), isang bagong videographer na may pagka-bargas pero may malambot na puso sa mga minamahal. Dahil sa malalang backlash, magtatago si Tala sa bahay ni Michael sa probinsya, kung saan lalalim ang kanilang nararamdaman sa isa’t isa.
Bawat episode, iba’t ibang emosyon ang mangingibabaw. Sa bawat pagganap, handang patunayan nina Rabin at Angela na marami pa silang kayang gawin bilang artista.
Kasabay nito ang celebration ng first anniversary ng kanilang tambalan.
Una silang naging bahagi ng Ang Mutya ng Section E.
- Latest





















