Healthcare system sa bansa, palakasin - Go
MANILA, Philippines — Binigyang-diin ni Sen. Christopher ‘Bong’ Go ang kahalagahan nang pagpapalakas ng healthcare system ng bansa, kasabay nang pagpuri sa ginawang pag-upgrade sa mga lokal na pagamutan sa lalawigan ng Iloilo. Birtuwal na dumalo si Sen. Go sa inagurasyon ng Western Visayas Sanitarium and General Hospital (WVSGH) sa Santa Barbara at Don Jose S. Monfort Medical Center sa Barotac Nuevo (DJSMMC), kapwa sa lalawigan ng Iloilo.
Sa kanyang video message, sinabi ni Go na, “Ipinaglaban po natin ito sa Senado dahil alam ko kung gaano ninyo kailangan ito. Sabi ko nga, sa pag-iikot ko sa mga ospital sa buong bansa, nakakalungkot pong makita na nasa corridor na ng ospital ang ibang pasyente dahil walang available na kama. Bukod sa problema kung papaano bibilis ang kanilang paggaling, nagiging isyu na rin po ang hawaan ng sakit pati na rin ang kalusugan at seguridad ng ating mga healthcare workers.”
Nangako rin si Go, na siya ring chairperson ng Senate Committee on Health and Demography, na ipagpapatuloy ang pagsusulong ng mga pamamaraan upang palakasin pa ang healthcare system ng bansa, at tiyaking ang bawat Pinoy ay may access sa de kalidad na serbisyong pangkalusugan.
Bago pa man naging senador noong 2019, sinimulan na ni Go ang Malasakit Centers program noong 2018 na hanggang sa ngayon, ang programa ay nakapagtatag na ng 151 Malasakit Centers, kabilang ang WVSGH at DJSMMC, at nakatulong na sa mahigit tatlong milyong Pinoy sa bansa.
- Latest