Kasal sa tomboy ni Osang walang bisa sa Pinas!
Nasa social media ang wedding invitation ni Rossana Roces. Ikakasal siya sa kaibigan niyang same sex. Gaganapin daw iyon sa Antipolo at pangungunahan ng isang pari ng LGBTQ Christian Church. Ang kasal na iyan ay walang kahulugang legal, dahil sa Pilipinas hindi naman kinikilala ang same sex marriage. Sa pananampalatayang Kristiyano, wala ring same sex marriage, kaya nga magtataka rin kayo doon sa pangalang LGBTQ Christian Church. Pero gusto nilang pakasal, bahala sila. Matatanda na sila.
James at Michela kasal na lang ang kulang
Nakakatuwang pagmasdan ang picture ni Michela Cazzola at ng anak nila ni James Yap. Nakakandong sa nanay ang nahihimbing niyang anak. Makikita mo sa picture na iyon na talagang masaya at maayos ang kanilang pamumuhay.
In fairness, makikita mong talagang inilagay sa ayos ni James Yap ang buhay ng kanyang pam ilya. Marahil naman natuto na siya sa kanyang mga naging karanasan sa buhay. Sinasabi naman niya na ayaw na niyang maulit iyon, kaya makikita mo na talagang pinangangalagaan niya ang kanyang mag-ina.
Palagay namin ang susunod na dapat nilang gawin ay magpakasal, tutal naman wala nang anumang sagabal sa kanilang pagpapakasal. Dalaga naman si Michaela, at annulled na ang naunang kasal ni James kay Kris Aquino. Wala naman sigurong maghahabol pa ng legal.
MMFF wala raw alam sa 4+4 na patakaran
Wala naman palang discrimination na gusto ang mga lehitimong film producers laban sa mga maliliit na producers ng mga low budget films. In fact, ang isa sa kanila, si Lily Monteverde ay umaamin na siya ang nagsimula niyang mga low budget film. Hindi nga lang matawag na “indie” dahil siya ay isang major film producer na noong araw pa. Noon, kung tawagin iyan ay “pitu-pito”, dahil ginawa nga nang mabilisan sa mas maliit na budget.
Hindi rin maliwanag sa amin na sa nagiging takbo ng mga usapan, bakit sinasabi nila na nagkaroon ng kasunduan na 4+4, na ang ibig sabihin apat na indie at apat na mainstream ang mga pelikulang isasali sa festival. Bakit nagkaroon ng kasunduan na hahatiin nila ang walong entries. Sa panig naman ng execom ng festival, sinasabi nilang lahat na wala silang alam na ganoong kasunduan.
Pero nagkakaisa ang mga malalaking producers sa pagsasabing nagkaroon ng ganoong kasunduan noong una. Nababanggit pa ngayon ang naging hearing sa Kamara noon pero nag-imbestiga lang naman ang mga iyon, wala namang nagawa talagang batas o kasunduan. Ang film festival, inimbestigahan na rin iyan ng senado noong nakaupo pa ang dalawang dating senador na sina Bong Revilla at Jinggoy Estrada.
Noon nga lumabas iyong milyun-milyong “cash gifts” na natatanggap pala ng ilang taga-MMDA, pero wala ring nagawang batas laban doon, o ng isang batas na magsasauli na sa festival sa industriya na siya namang nagsimula niyan talaga.
Ang kawawa sa sitwasyon ngayon ay hindi ang mga lehitimong producers ng malalaking pelikula. Kikita rin ang mga iyan. Baka nga mahakot na nila ang pampanood ng sine ng mga tao bago pa magsimula ang festival. Hindi rin naman kawawa iyang mga indie films na iyan, dahil kung walang festival baka ni hindi mailabas sa sinehan ang mga iyan. Ang kawawa niyan ay ang mga beneficiaries, lalo na ang MOWELFUND na tiyak na wala na halos makukuha diyan. Iyong “cash gifts” naman para sa mga ibang opisyal, tiyak na ilulusot pa rin iyan.
- Latest